
Maglalabas ng tubig ang San Roque Dam sa Pangasinan ngayong Miyerkules, Setyembre 2, bilang precautionary measure dahil umabot na sa mataas na lebel ang tubig sa imbakan nito.
Ayon sa abiso ng National Power Corporation na ibinahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan, nasa 283.68 meters above sea level ang water level ng dam alas-12 ng tanghali nitong Martes. Dahil dito, magsasagawa ng spilling operations at bubuksan ang dalawang gate ng tig-dalawang metro, na katumbas ng discharge na 300 cubic meters per second.
Samantala, nasa 714 cubic meters per second ang inflow o pumapasok na tubig sa dam, habang nasa 270 cubic meters per second naman ang kasalukuyang outflow.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog na mag-ingat at manatiling nakatutok sa mga abiso ng mga awtoridad.










