Pumanaw na ang multi-titled para athlete na si Fide Master Sander Severino noong Sabado (Pebrero 7) sa edad na 40 taong gulang sa tinubuang Silay, Negros Ocidental.

Kapapanalo lang niya ng limang gintong medalya sa 13th ASEAN Para Games 2026 nitong Jan. 20-26 sa Thailand para giyahan ang Team ‘Pinas sa pinakamataas na pangkalahatang pagtatapos sa 45 gold medal sa 11-nation, biennial sportsfest.

Unang para chesser din siyang nagwagi sa International Physically Disabled Chess Association (IPCA) World Online Chess Rapid Championships.

Binigyan lang ng hanggang 20 taon upang mabuhay noong walong taon pa lang si Severino dahil sa muscle dystrophy o degeneration.

Pero sa pamamagitan ng chess nagpakatatag siya sa pagharap sa hamon kung saan nalampasan ang higit sa inaasahan sa kanya sa kabila ng mahinang pangangatawan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa malungkot na Sabado ng gabing yon sa kanilang tahanan sa Silay City, ang kanyang puso, na kasinglaki ng determinasyon at katapangan, nabigong gumana habang tahimik siyang naglaho sa gabi.

Nakatakda pang parangalan siya ng Philippine Sportswriters Association sa Peb. 16 sa Diamond Hotel kasama ang mga pinakamahusay na atleta at opisyal ng bansa noong nakaraang taon.

Mga pinapamayagpagan niya sa ASEAN Para Games ang men’s individual standard PI, men’s team standard PI, men’s individual blitz PI, men’s team blitz PI at rapid.

Binaha ng pakikiramay ang kanyang pamilya sa social media nitong Linggo, samantalang gulantang ang kanyang teammates na mga nagdalamhati rin.

May mga nakalinya pang ilang torneo sa taong ito ang mahusay na para woodpusher.