Ibinasura ng Sandiganbayan ang graft case laban kay dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog kaugnay ng umano’y pagpayag nito sa kontrata para sa towing services sa lungsod.

Sa 25-pahinang resolusyon na inilabas noong Agosto 12, sinabi ng Sandiganbayan Third Division na nilabag ang karapatan ni Mabilog sa speedy disposition of cases dahil sa matagal na proseso ng imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

Ayon sa korte, umabot sa halos walong taon ang pagitan mula sa paghahain ng reklamo noong 2015 hanggang sa pagsasampa ng kaso noong 2023.

Hindi rin umano nakapagbigay ang Office of the Ombudsman ng sapat na dahilan sa pagkaantala ng pagsasampa ng kaso.

Dahil dito, tuluyan nang ibinasura ng Sandiganbayan ang kaso laban kay Mabilog. Ipinawalang-bisa rin ang hold departure order laban sa kanya at iniutos ang pagpapalaya sa kanyang bail bond.

-- ADVERTISEMENT --

Ang desisyon ay isinulat ni Third Division chairperson Associate Justice Karl Miranda, habang hindi sumang-ayon sina Associate Justices Ronald Moreno at J. Ermin Miguel.