Ibinasura ng Sandiganbayan Sixth Division ang mosyon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-B Director Gerald Pacanan na humihiling sa pag-inhibit ng mga mahistrado sa kasong malversation na may kinalaman sa umano’y anomalya sa P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Sa inilabas na 21-pahinang resolusyon, sinabi ng anti-graft court na walang malinaw at kapani-paniwalang ebidensiyang naipakita si Pacanan upang patunayan ang alegasyon niyang may kinikilingan ang hukuman. Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang paggawa ng factual findings ng korte ay hindi nangangahulugang may pagkiling ang mga mahistrado.

Ayon sa hukuman, ang mga inspeksiyong isinagawa noong Setyembre at Oktubre 2025 ay nagpakitang humigit-kumulang tatlong metro lamang ang haba ng mga steel sheet pile na nakabaon sa ilang bahagi ng proyekto, taliwas sa nakasaad na 12 metro. Dahil dito, sinabi ng korte na may sapat na batayan ang kanilang naunang konklusyon na tatlong metrong sheet pile ang ginamit sa mga natapos na bahagi ng flood control structure.

Nauna nang tinanggihan ng Sandiganbayan ang petisyon para sa piyansa ni Pacanan at ng walong iba pang akusado matapos matukoy na malakas ang ebidensiya ng prosekusyon laban sa kanila. Iginiit din ng hukuman na ang mga factual findings nito sa mga pagdinig para sa piyansa ay mananatiling may bigat maliban kung mapatutunayang may grave abuse of discretion sa naging desisyon ng korte.