Inalis ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan bilang co-accused sa kasong plunder at graft kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Sa botong 2-1, sinabi ng mga mahistrado na saklaw ng prosecutorial discretion ng Ombudsman ang pagpapasya kung sino ang gagawing state witness upang mapalakas ang pag-uusig sa mga kasong kriminal.

Kabilang si Bonoan sa mga kinasuhan kasama si Senator Jinggoy Estrada at tatlo pang akusado dahil sa umano’y sabwatan para makalikom ng mahigit P500 milyon na kickback mula sa mga flood control project.

Noong Hunyo, hiniling ng Ombudsman sa Sandiganbayan na alisin si Bonoan sa kaso matapos nitong ipahayag ang kahandaang makipagtulungan sa imbestigasyon. Ayon sa Ombudsman, mahalaga ang testimonya ni Bonoan upang matukoy ang sistema at mga taong nasa likod ng umano’y kickback scheme.

Binigyang-diin din ng Sandiganbayan na may kapangyarihan ang Ombudsman na magbigay ng immunity sa ilalim ng Republic Act No. 6770.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa naia-arraign sina Estrada at Bonoan dahil sa mga nakabinbing mosyon. Gayunman, itinakda ng Sandiganbayan sa Setyembre 3 ang arraignment ni Estrada.