
Iniutos ng Sandiganbayan Fifth Division ang 90-araw na preventive suspension laban sa tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mga kasong plunder at graft na may kinalaman sa umano’y anomalya sa flood control project.
Sa dalawang magkahiwalay na resolusyon, inatasan ng anti-graft court sina DPWH district engineers Manny Bulusan at Arturo Gonzales Jr., at assistant district engineer Denryl Cortuna na pansamantalang “cease and desist” sa kanilang tungkulin o sa anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon sa Sandiganbayan, mahalagang masuspinde muna ang mga opisyal upang hindi nila maimpluwensyahan ang imbestigasyon o makagawa pa ng iba pang posibleng paglabag habang nagpapatuloy ang pagdinig ng kaso.
Nilinaw rin ng korte na kahit nasa piitan ang mga akusado, hindi nito awtomatikong pinapalitan ang mandato ng batas na nagbabawal sa kanila na gampanan ang kanilang tungkulin habang may kinakaharap na kaso.
Nabatid na sina Bulusan, Gonzales, at Cortuna ay kabilang sa mga co-accused ni senator Jinggoy Estrada sa kasong plunder kaugnay ng flood control scandal.
Noong Hunyo 16, naglabas na rin ang Sandiganbayan ng hiwalay na 90-araw na preventive suspension order laban kay Estrada.
Kasalukuyang nakakulong ang tatlong opisyal ng DPWH at si Estrada sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City.
Nauna na ring nag-plead ng “not guilty” ang tatlong opisyal sa mga kasong plunder at graft na isinampa laban sa kanila.










