
Naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division laban kina dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, at dalawa pa nilang co-accused sa P7.4-bilyong plunder case na isinampa ng Ombudsman.
Naglabas din ang korte ng hold-departure order laban kina Romualdez, Co, Joselyn Tragua Serenio at Felicito Cristobal Guevarra.
Ayon sa Sandiganbayan, nakitaan nito ng probable cause ang kaso matapos personal na suriin ang mga rekord. Gayunman, nilinaw ng korte na hindi nangangahulugan ang warrant na napatunayang nagkasala ang mga akusado at nananatili silang inosente hangga’t hindi napapatunayang guilty sa paglilitis.
Nahaharap ang apat sa alegasyong pagtanggap ng hindi bababa sa P7.4 bilyong kickback mula sa mga kontratista at iba pang entity na may interes sa flood control, infrastructure at iba pang government projects mula 2022 hanggang 2025.
Sinabi naman ng abogado ni Romualdez na igagalang nila ang proseso ng korte at haharapin ng dating House Speaker ang mga alegasyon laban sa kanya alinsunod sa batas.










