
Naglabas ng Precautionary Hold Departure Order o PHDO ang Sandiganbayan laban kay Senador Francis Escudero at negosyanteng si Maynard Ngu kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa utos ng Sixth Division na pinamumunuan ni Associate Justice Sarah Fernandez, inatasan ang Bureau of Immigration na pigilan ang kanilang paglabas ng bansa at ilagay ang kanilang pangalan sa hold departure list.
Nauna rito, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naghahanda na ang kanilang tanggapan ng kasong plunder laban kina Escudero at dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng isyu.
Ayon kay dating DPWH undersecretary at state witness Roberto Bernardo, may umano’y 20 porsyento o humigit-kumulang P160 milyon mula sa P800 milyong proyekto ang naipasa kay Ngu, na sinasabing para kay Escudero.
Mariing itinanggi nina Escudero at Ngu ang mga paratang. Ayon kay Escudero, walang direktang ugnayan sa kanya si Bernardo at handa niya itong patunayan. Si Ngu naman ay nagsabing wala siyang kinalaman sa alegasyon at nagsampa na rin ng kaso laban sa nag-akusa sa kanya.









