Nanatiling tikom ang bibig ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos kaugnay ng desisyon ng House justice committee na ideklarang insufficient in substance ang mga impeachment complaint na inihain laban sa kanyang ama na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Marcos, wala siyang moral na awtoridad upang magbigay ng pahayag hinggil sa isyu dahil sa kanyang relasyon sa Pangulo.

Dagdag pa niya, pinakamabuting umiwas na lamang siya sa pagbibigay ng komento ukol sa usapin.

Noong nakaraang buwan, inanunsyo na rin ni Sandro Marcos ang kanyang hindi pakikilahok sa mga deliberasyon ng impeachment complaints laban sa Pangulo upang mapanatili ang integridad ng Kamara de Representantes.

Nitong Miyerkules, tuluyang ibinasura ng House justice panel ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos matapos matukoy na kulang umano ang mga ito sa sapat na batayan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay House justice panel chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, iginiit ng komite na ang mga mambabatas ay dapat umasa sa malinaw na ebidensya at hindi sa mga konklusyon lamang ng mga nagreklamo.