Tinuligsa ni Vice President Sara Duterte ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang P500 para sa isang kumpletong Noche Buena meal ng pamilyang may apat na miyembro.

Ayon sa kanya, matagal nang hindi kasya ang halagang ito, lalo’t lumalabas na mas mataas ang aktwal na gastos para sa mga pangunahing sangkap sa handaan.

Aniya, ang ayuda pa lamang na ibinabahagi ng kanyang opisina ay P2,100 na, kabilang lamang ang spaghetti at salad packs.

Nitong mga nakaraang araw, umani ng kritisismo ang DTI matapos igiit na kayang mabuo ang tradisyunal na Noche Buena sa halagang P500 hanggang P428.70.

Ibinatay ng DTI ang kanilang kalkulasyon sa Noche Buena price guide, kung saan nakasaad ang malalawak na presyo ng mga produkto tulad ng hamon, fruit cocktail, all-purpose cream, nata de coco, kaong, queso de bola, cheese at mayonnaise.

-- ADVERTISEMENT --

Umaabot ang mga presyo ng ham sa P170 hanggang P945, habang ang ibang sangkap ay may malalaking agwat din ng halaga, kaya’t marami ang nagdududa kung paano magkakasya ang P500 sa isang kompletong handaang pamasko.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, iginiit ni Duterte na hindi tumutugma sa realidad ng mga pamilya ang pagtatayang ito ng ahensya.