Nagpasok ng plea na not guilty ang contractor na si Sarah Discaya at siyam niyang kasamang akusado sa mga kasong graft at malversation of public funds na isinampa laban sa kanila kaugnay ng umano’y multong flood control project sa Davao Occidental.

Isinagawa ang arraignment sa Lapu-Lapu Regional Trial Court Branch 27 matapos ibasura ng hukuman ang mosyon na i-quash ang impormasyon at ang kahilingan na ibalik ang kustodiya ng sampung akusado sa National Bureau of Investigation.

Kabilang sa mga iniharap sa korte sina Discaya, Maria Roma Rimando, at walong inhinyero ng Department of Public Works and Highways.

Ayon sa depensa ng mga opisyal ng DPWH, ang isa sa mga akusado na si Joel Lumogdang, hepe ng Construction Section ng DPWH Davao Occidental na nagsilbi sa officer-in-charge capacity, ay nagretiro na noong Mayo 16, 2025.

Dahil dito, siya lamang ang hindi isinailalim ng korte sa preventive suspension.

-- ADVERTISEMENT --

Isa pang akusado na si Rodrigo Larete ay iginiit ding retirado na, subalit wala pang naipapakitang dokumento upang patunayan ito kaya’t nanatili ang suspensyon laban sa kanya.

Itinakda ng korte ang pre-trial ng kaso sa Pebrero 3, 2026. Wala sa mga akusado ang nagbigay ng pahayag sa media matapos ang pagdinig.

Ang mga kaso ay may kaugnayan sa P96.5 milyong flood control project na umano’y hindi naisakatuparan sa kabila ng paglabas ng pondo.