Humingi ng paumanhin si Blogger Sass Sasot kina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at Laguna Rep. Ann Matibag matapos niyang itama ang nauna niyang pahayag na umano’y may pagmamay-ari ang mag-asawa ng mahigit $1 milyong bahay sa California, Estados Unidos.

Ayon kay Sasot, napag-alaman niyang magkaibang tao ang mga nakalista bilang may-ari ng naturang ari-arian at hindi ang NBI director at ang kongresista. Dahil dito, binawi niya ang kanyang naunang social media post at humingi ng paumanhin sa mag-asawa.

Samantala, iginiit ni NBI Director Melvin Matibag na wala silang anumang ari-arian sa ibang bansa at nakasaad ang lahat ng kanilang mga pag-aari sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Aniya, peke ang naturang alegasyon at posibleng layunin nitong sirain ang kanyang kredibilidad bilang testigo ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte.