Naglabas nitong Sabado, Hunyo 20, ang Philippine Space Agency (PhilSA) ng satellite data na nagpapakita ng mga pagguho ng lupa na dulot ng malakas na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8.

Ayon sa PhilSA, natukoy ang mga landslide sa ilang barangay sa Glan, Sarangani at Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Tinatayang nasa 137.87 ektarya ang kabuuang lawak ng mga lugar na posibleng naapektuhan.

Ginamit ng ahensya ang mga larawan mula sa Sentinel-2A at Sentinel-2B satellites upang matukoy ang pagkawala ng vegetation bago at matapos ang lindol.

Ang vegetation ay tumutukoy sa mga halaman, puno, damo, at iba pang pananim na tumutubo sa isang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi nitong kailangan pa ring beripikahin sa aktuwal na lugar ang mga resulta.

Nakatutulong ang satellite data ng PhilSA sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagmamanman ng sitwasyon at pagtukoy ng mga prayoridad na lugar para sa agarang responde.

Samantala, bumaba na sa 76 ang bilang ng mga nasawi sa lindol, habang mahigit 1.45 milyong katao o higit 348,000 pamilya sa Mindanao ang nananatiling apektado.