Pinuri ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pinal na paglalabas ng Korte Suprema ng desisyon hinggil sa isyu ng ‘same sex marriage’ sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni IBP President Atty. Domingo ‘Egon’ Cayosa na ito ay magsisilbing giya upang maliwanagan ang mga nagsusulong at kontra sa pag-iisang dibdib ng magkaparehas na kasarian.

Ayon kay Cayosa, may malinaw na basehan ang Korte Suprema sa pagbasura sa mosyon kaugnay ng petisyon para gawing legal ang same sex marriage sa bansa dahil naaayon ito sa umiiral na batas, kultura at tradisyon ng mga Pilipino.

Paliwanag ng IBP, ang Korte Suprema na rin ang nagsabi na hindi nito maaaring iutos o pwersahin ang sinumang sektor o ahensiya ng gobyerno na ipatupad ang same sex marriage.

Gayonman, nilinaw ng IBP na maaari namang gumawa ang Kongreso ng batas hinggil sa pagbibigay proteksyon at katiyakan sa relasyon ng magkaparehong kasarian.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit, hindi umano ito ituturing na tulad sa kasal sa pagitan ng lalaki at babae.