
Nilinaw ng Supreme Court o SC na hindi awtomatikong punishable sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act ang marital infidelity.
Ayon sa SC Second Division, kailangang mapatunayan na ang pagtataksil ay nagdulot ng psychological violence o mental at emotional anguish sa asawa bago ito maparusahan sa ilalim ng Section 5(i) ng batas.
Sa kasong dininig ng korte, pinagtibay ng SC ang conviction ng isang mister matapos mapatunayan na nakaranas ng matinding trauma, kahihiyan at depression ang kanyang asawa dahil sa pagtataksil. Ilang beses din umanong nagtangkang magpakamatay ang babae.
Nagsimula ang problema ng mag-asawa noong 2009 nang maging malayo ang mister sa kanyang asawa. Kalaunan, natuklasan ng babae na may iba nang babaeng kinakasama ang kanyang asawa, dahilan para magsampa siya ng kaso.
Sa psychological assessment, natukoy na nakaranas ang babae ng depression, mababang tingin sa sarili, problema sa pagtulog at hirap sa pakikisalamuha.
Samantala, sa dissenting opinion ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi niyang hindi sapat ang emotional suffering para mapatunayan ang psychological violence. Aniya, kailangang maipakita na sadyang ginawa ang pagtataksil upang magdulot ng mental o emotional anguish.









