
Ibinasura ng Supreme Court o SC ang administrative complaint ng Office of the Ombudsman laban sa pitong associate justices ng Court of Appeals dahil umano sa gross ignorance of the law.
Sa resolusyon na may petsang Disyembre 2025, sinabi ng SC na judicial in nature at walang sapat na merito ang reklamo laban sa mga mahistrado.
Kabilang sa mga respondent sina Associate Justices Marlene Gonzales-Sison, Rafael Antonio Santos, Louis Acosta, Roberto Quiroz, Rex Bernardo Pascual, Mary Charlene Hernandez-Azura, at Ferdinand Baylon.
Nag-ugat ang reklamo sa pag-isyu ng mga mahistrado ng temporary restraining order o TRO laban sa preventive suspension order sa walong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Antique.
Noong nakaraang linggo, hiniling ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa Supreme Court na aksyunan ang naturang reklamo na inihain ng kanyang predecessor na si Samuel Martires.









