Magsasagawa ng prayer rally ang pamilya, mga kaibigan at mga supporters ng napaslang na si Vice Mayor Rommel Alameda ng bayan ng Aparri, Cagayan bukas.
Sinabi ni Elizabeth Alameda, maybahay ni Rommel na ito ay kasabay ng paggunita sa ikalawang taong anibersaryo ng pagkamatay ng kanyang asawa at limang iba pa noong Feb. 19, 2023.
Kaugnay nito, sinabi ni Gng. Alameda na umaasa siya na mailalabas na ang warrant of arrest laban sa apat na persons of interest na kinasuhan ng murder sa prosecutor’s office sa Nueva Vizcaya.
Matatandaan na namatay si Vice Mayor Alameda at limang iba pa matapos tambangan ang sinakyan nilang van sa Bagabag, Nueva Vizcaya noong umaga ng Feb 19, 2023 na napunta sana sa Maynila.
Ayon sa imbestigasyon, binabaybay ng van ang highway sa Barangay Baretbet nang huminto matapos harangin ng mga salarin ang kalsada gamit ang barikada ng isang eskwelahan.
Ayon sa pulisya, sinabi ng witness na nakasuot ng uniporme ng mga pulis ang mga salarin.
Bukod kay Alameda, nasawi rin ang driver ng van at apat pang sakay.
Matatandaan na, isa si mismong Aparri, Cagayan Mayor Bryan Dale Chan sa mga pinangalanang person of interest ng Philippine National Police sa pananambang kay Alameda.
Inihayag ito ni Police Lieutenant Colonel Arbel Mercullo sa ginanap na Senate inquiry hinggil sa nasabing krimen kung saan binanggit din niya na itinuturing din na persons of interest sa krimen ang iba pang mga indibidwal na may kaugnayan sa alkalde.
Paliwanag ni PLCOL Mercullo, ikinokonsidera na person of interest si Chan dahil sa posibilidad nang anggulong politika sa naturang pananambang.
Isa rin aniya sa mga POI ay si Darren Cruz Abordo na siyang nagmamay-ari ng get-away vehicle na ginamit sa naturang krimen.
Sa kaparehong pagdinig ay sinabi ni Gng.Alameda na dati nang pinagbabantaan umano ni Chan ang mga taong magtatangkang maghahain ng kaso laban sa kaniya, kabilang na ang kaniyang asawa.
Bagay na mariin namang pinabulaan ng alkalde kasabay ng pagdepensa na wala siyang anumang natatanggap na anumang reklamo inihain laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.