
Hinatulan ng isang korte sa Quezon City na guilty ang isang security guard na nag-viral noong 2023 matapos niyang ihagis mula sa footbridge ang isang tuta.
Kabilang sa parusang ipapataw sa guard ay pagkakakulong mula isang taon at anim na buwan o hanggang dalawang taon, at multang PHP100,000.
July 2023 nang mag-viral ang security guard na nakatalaga noon sa isang mall sa Quezon City.
Nakipagtalo ito sa mga batang nagtitinda ng sampaguita.
Dahil ayaw umalis ng mga bata, inagaw ng guard ang hawak na tuta ng isa sa mga bata, at saka sinakal ito bago inihagis mula sa footbridge.
Nasawi ang tuta, pero isang nakasaksi sa pangyayari ang nag-post sa Facebook at inilahad ang insidente.
Maraming netizens ang nahabag sa tuta at nagalit sa security guard, kaya’t nag-viral ang post.
Ang Animal Kingdom Foundation (AKF) ang isa sa mga animal shelters na umaksiyon sa pangyayari.
Nakipag-ugnayan ito sa mga batang nagmamay-ari ng tuta.
Nagsampa rin ang foundation ng reklamong paglabag sa Animal Welfare Act laban sa guard.
Pinatalsik ng mall management ang security guard at nagsagawa rin ng imbestigasyon ang kinabibilangang ahensiya ng guard.
At makalipas ang higit dalawang taon, nakamit ang hustisya.
Ang kaso ng guwardiya ay paglabag sa Animal Welfare Act.










