Patay na nang makita ang isang security guard sa loob ng kanyang binabantayang mall sa Barangay Baligatan, Ilagan City, Isabela.
Ang biktima ay isang 32 taong gulang na lalaki, residente ng City of Ilagan.
Una rito, nakatanggap ng ulat ang pulisya mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang bangkay sa mall.
Sa pagresponde ng mga awtoridad, nakita ang biktima na wala ng buhay dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.
Natagpuan din ang baril na issue ng security agency.
Sa pagsusuri mga awtoridad sa CCTV footage, nakita ang biktima na mag-isa, halatang balisa at hindi mapakali.
Ibinahagi rin ng kanyang kasamahan na minsan ay nagbiro ito tungkol sa posibilidad ng pagpapakamatay.
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa Rescue 1124, City Health Office, at Isabela Forensic Unit para sa imbestigasyon sa lugar ng insidente at postmortem examination.
Gayunpaman, may hinala ang mga awtoridad na nagpakamatay ang security guard.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ang biktima ay may personal na problema at financial problem, kabilang ang agarang gastusin sa ospital para sa kanyang anak.
Mayroon din siyang iniindang karamdaman at pagkakautang dahil umano sa online gambling.