Patay ang isang security guard matapos maaksidente sa minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Larion Bajo, Tuguegarao City.
Kinilala ang biktima na si Jonathan Soriano, 31-anyos ng Brgy Bical, Peñablanca.
Ayon kay PLT. Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao na pagkatapos ng duty ng biktima sa Cagayan Valley Medical Center ay nakipag-inuman ito sa kanyang mga kaibigan dito sa lungsod at pagkatapos ay nagpumilit umanong umuwi noong madaling araw ng Lunes.
Pagdating sa may kurbada at makipot na kalsada, ay nawalan ito ng kontrol sa manibela na dahilan ng kanyang pagsemplang hanggang sa mapunta sa gilid ng lansangan.
Ayon kay Taguiam, nang mahulog mula sa motor ang biktima ay natanggal ang kanyang helmet at sumalpok ito sa sanga ng punongkahoy na tumusok sa kanyang mata at tumagos sa kanyang utak.
Naisugod pa ng rescuer ng Peñablanca ang biktima sa ospital subalit ito ay nasawi habang inooperahan.