
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad sa lalawigan ng Abra kung sino ang mga salarin at ang motibo sa pamamaril sa isang security guard 11:15 kagabi habang nakahiga sa isang duyan.
Sinabi ni PLTCOL Daniel Pel-ey, information officer ng Abra Police Provincial Office, wala pang lead ang mga pulis sa pamamaril-patay kay Ronnie Bolante, 42- anyos ng Sitio Ram-ramot, Brgy. San Antonio, Bangued Abra.
Ayon kay Pel-ey, patay na ang biktima nang makarating ang mga pulis sa pinangyarihan ng krimen, dahil sa apat na tama ng baril sa kanyang leeg at ulo.
Sinabi niya na batay sa pagtatanong ng mga imbestigador sa live-in partner ng biktima, matutulog na sila sa kanilang kubo kasama ang ilang bata nang bigla silang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.
Nang tignan ang biktima, ay duguan na ang kanyang ulo.
Sinabi ni Pel-ey na nakuha sa crime scene ang walong basyo ng bala na mula sa dalawang baril.
Samantala, sinabi ni Pel-ey na kabilang ang Bangued, Abra sa yellow category kaugnay sa Eleksyon 2025.
Ang yellow category ay kung ang isa lugar ay may kasaysayan ng kaguluhan may kaugnayan sa pulitika.