Mas lalo pang paiigtingin ang seguridad ni Ramil Madriaga habang inaasahang haharap siya bilang posibleng testigo sa impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hinihintay nila ang ulat ng National Bureau of Investigation kaugnay ng seguridad ni Madriaga, lalo na matapos aprubahan ng House justice committee ang mosyon para palakasin ang kanyang proteksyon.

Inaasahan ding dadalo si Madriaga sa susunod na pagdinig ng komite sa Abril 14.

Ilalatag sa pagdinig ang mga dokumento at ulat ng NBI, na mahalaga sa pagtukoy sa kanyang testimonya na kabilang sa Articles III at IV ng ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban kay VP sara Duterte.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, inilahad ni Madriaga na inutusan siya ni vp sara na maghatid ng pera sa iba’t ibang lugar, na pinaniniwalaang mula sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, iginiit ng Akbayan Rep. Chel Diokno na kailangan siyang ilagay sa protective custody dahil sa pangamba sa kanyang kaligtasan, lalo na sa umano’y banta mula kay Arnolfo Teves Jr..

Ayon sa abogado ni Madriaga, nakatanggap sila ng ulat tungkol sa banta sa kanyang buhay, kabilang ang umano’y P5 milyong pabuya para sa sinumang makakapatay sa kanya sa loob ng kulungan.

Gayunpaman, sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology na wala silang naobserbahan na direktang banta sa buhay ni Madriaga. Nagpadala na rin ng NBI ahente sa pasilidad upang tiyakin ang kaligtasan ng dating aide.

Dalawa sa apat na impeachment complaints ang nananatili sa hurisdiksyon ng House justice committee, matapos isantabi ang una at bawiin ang ikalawa.

Patuloy na umiikot ang mga reklamo sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, pananakot sa mga opisyal, at iba pang posibleng paglabag sa Konstitusyon, kung saan nananatiling mahalagang bahagi ang testimonya ni Madriaga sa kaso.