
Nakalatag na ang deployment ng Philippine National Police sa inaasahang mga pagtitipon kaugnay ng “Trillion Peso March” na sasabay sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa February 25.
Sa flag-raising ceremony sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na malinaw ang paninindigan ng PNP, iginagalang nila ang karapatan ng mamamayan sa mapayapang pagtitipon, tinitiyak ang kaligtasan ng publiko at ipinatutupad ang batas nang walang kinikilingan.
Nagpaalala rin ang PNP Chief sa lahat ng mga pulis na manatiling professional, neutral at disiplinado sa kanilang tungkulin.
Inatasan din ang mga ito na pairalin ang maximum tolerance at iwasan ang anumang komprontasyon sa pagitan ng mga magsasagawa ng programa.
Binigyang-diin ni Nartatez na ang tunay na lakas ng isang pulis ay hindi nasusukat sa paggamit ng puwersa kundi sa pagpipigil at maayos na paghusga sa sitwasyon.
Iginiit din niya na bilang mga miyembro ng PNP, hindi sila kumakampi sa anumang panig ng pulitika kundi naninindigan para sa Konstitusyon at nagsisilbi para sa sambayanan.










