Hayagang pinagreresayn ni Volt Bohol, ang Pangulo ng August Twenty-One Movement (ATOM), si Senator Alan Peter Cayetano bilang mambabatas dahil umano sa nagiging “nakakahiyang” imahe nito sa ibang bansa.

Kasabay ng panawagang “Mag-resign na po kayo, nakakahiya na po tayo sa ibang bansa,” binatikos din ni Bohol ang kampo ni Cayetano sa umano’y paggamit sa pangalan ng yumaong Senador Ninoy Aquino at sa “Yellow movement.”

Ayon kay Bohol, isang estratehiya lamang ng kampo ng senador ang paggamit sa “Laban sign” at sa kasaysayan ng paglaban sa diktadura ng matandang Marcos.

Ginagawa umano ito ni Cayetano para maging “romantiko” o magandang tingnan sa publiko ang kasalukuyan nitong pagkontra sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Binigyang-diin ng grupo na si Aquino, na isang lider ng oposisyon na ikinulong sa isang kulungang militar noong panahon ng diktadura ay “lumaban sa pasismo, korapsyon, at kawalan ng pananagutan.”

-- ADVERTISEMENT --

Habang, sina Cayetano at ang mga senador na sumusuporta sa kanya ay iniuugnay sa mga Duterte, kung saan nagpahayag ng suporta si Davao City Mayor Sebastian Duterte at ang mga kaalyado nito sa pag-asam ni Cayetano na maging Pangulo ng Senado.