Pinabulaanan ni Senator Bong Go ang pagkakabilang niya sa listahan ng International Criminal Court (ICC) bilang co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.

Sa inilabas na pahayag noong Sabado, Pebrero 14, sinabi ni Go na ngayon lamang niya nalaman ang mga alegasyon mula sa redacted version ng Document Containing the Charges ng ICC.

Mariing itinanggi niya ang mga ito, tinawag na walang batayan, hindi patas, at walang kinalaman sa kaniyang tungkulin bilang Special Assistant ng dating Pangulo noong Hunyo 2016 hanggang Oktubre 2018 at bilang Executive Assistant to the Mayor ng Davao City mula 1998 hanggang 2016.

Pinabulaanan din ni Go na nagsilbi siyang Chief of the Presidential Management Staff.

Paliwanag ni Go, sa kabuuan ng kanyang karera, pinanatili niya ang pinakamataas na pamantayan ng integridad, pagiging bukas sa lahat, at dedikasyon sa kapakanan ng mga mamamayan.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang pokus niya ay patuloy na paglilingkod sa mamamayang Pilipino, lalo na sa mahihirap at vulnerable.