
Pansamantalang nakalaya si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos maglagak ng P1 milyong cash bail kasunod ng pagpayag ng Sandiganbayan sa kanyang petisyon para sa piyansa sa kasong malversation na may kaugnayan sa isang P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa Sandiganbayan, pinayagan si Revilla na makapagpiyansa dahil nabigo ang prosekusyon na maipakita na matibay ang ebidensya ng kanyang pagkakasala sa kasong malversation through falsification of public documents. Ang naturang proyekto ay sinasabing natuklasang isang bakanteng lote na walang anumang itinayong estruktura.
Samantala, sinabi ni Atty. Isaiah Asuncion III, counsel ni Revilla, na pinatutunayan ng desisyon ng korte na hindi napatunayan ng prosekusyon ang mga alegasyon laban sa kanyang kliyente. Aniya, walang testigong may personal na kaalaman at wala ring dokumentong direktang nag-uugnay kay Revilla sa umano’y pagpopondo ng proyekto.










