Kinondena ni Sen. JV Ejercito ang mga Pilipinong umano’y nagtatanggol sa China sa social media sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS), at iginiit na masakit para sa bansa ang pagkakaroon ng mga kababayang tila kumakampi sa ibang estado sa usapin ng pambansang interes.

Ito ay inihayag ni Ejercito ngayong Lunes, sa pagtatapos ng pagtalakay sa 2027 budget ng Department of National Defense sa Senado. Aniya, nakalulungkot na may mga Pilipinong mas pinipiling ipagtanggol ang China sa halip na manindigan para sa sariling bansa, lalo na sa panahong patuloy na ipinaglalaban ng Pilipinas ang mga karapatan nito sa West Philippine Sea. Bumili ng Globo

Ang pahayag ay kasunod ng tumitinding palitan ng mga pahayag sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at China matapos sabihin ni Chinese Ambassador Jing Quan na madaling mananalo ang kaniyang bansa kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas, bagama’t iginiit niyang nais ng Beijing ang kapayapaan.

Nagbunsod ito ng batikos mula sa ilang opisyal ng pamahalaan at mga senador, kabilang si Ejercito, na nanawagan ng paggalang sa Pilipinas at sa mga karapatan nito sa West Philippine Sea.