
Naniniwala si Senador Erwin Tulfo na hindi solusyon ang umano’y pagpapalit ng liderato sa Senado upang mapigilan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tulfo, magdudulot lamang ito ng mas maraming tanong mula sa publiko kung bakit magkakaroon ng “kudeta” para pigilan ang impeachment proceedings laban sa bise presidente.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Tito Sotto na ipinauubaya niya sa kaniyang mga kapwa senador ang magiging kapalaran ng kaniyang posisyon.
Nauna nang sinabi ni Sotto na agad magko-convene ang Senado bilang impeachment court kapag natanggap nito ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives.
Ayon kay Tulfo, pinag-uusapan sa Senado na idaos ang impeachment trial tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes simula alas-3 ng hapon.
Dagdag pa ng senador, kailangan pa ring bigyan ng sapat na panahon ang prosecution at defense panel bago tuluyang simulan ang paglilitis.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta umano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaniyang pamilya, at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.










