Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na itaas sa katumbas ng 4% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang pondo para sa edukasyon sa taong 2026.

Ayon kay Gatchalian, na siyang namumuno sa Senate Committee on Finance, kailangan ng mas malaking budget upang malutas ang krisis sa edukasyon at maitaguyod ang kinabukasan ng kabataan.

Nilinaw din niyang hindi nito ibig sabihin na isasantabi ang ibang sektor, kundi bibigyan lamang ng mas mataas na prayoridad ang edukasyon.

Prayoridad sa panukalang budget ang pagpapalakas ng kaalaman sa pagbasa, pagsusulat, at pagbibilang para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.

Binibigyang-diin din ni Gatchalian ang pangangailangang pondohan ang ARAL (Academic Recovery and Accessible Learning) Program at buhayin ang “counterpart program” para sa pagtutulungan ng national at local government sa pagpapagawa ng mga silid-aralan.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa rito, nais din niyang mag-hire ng mas maraming teacher aides upang maibsan ang non-teaching workload ng mga guro.

Para kay Gatchalian, ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon ay susi sa tunay na pag-unlad ng bansa.

Aniya, dapat samantalahin ng pamahalaan ang oportunidad upang mamuhunan sa kinabukasan ng kabataang Pilipino sa pamamagitan ng sapat at epektibong pondo para sa sektor ng edukasyon.