
Muling nanawagan si Senador Bong Go laban sa mga tinatawag na “white elephant projects” o mga proyektong pinondohan ng gobyerno ngunit hindi nagagamit o napapakinabangan.
Giit ng senador, malaking sayang sa pondo ng bayan kung mauuwi lamang sa hindi nagagamit na imprastraktura ang mga proyektong pinagtutuunan ng badyet ng pamahalaan.
Kasabay ng pagdalo sa inauguration ng Super Health Center sa Maco, Davao de Oro, hinikayat ni Go ang mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na tiyaking operational at may direktang serbisyo sa publiko ang bawat proyektong itinatayo.
Binigyang-diin din niya na dapat unahin ang mga programang may agarang benepisyo sa mga komunidad, lalo na sa mga malalayong lugar.
Ayon pa sa senador, dapat manatiling nakatuon ang pamahalaan sa serbisyo sa mga mahihirap at iwasan ang pulitika sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.





