
Binisita ni Senador Risa Hontiveros ang Pag-asa Island nitong Sabado, Pebrero 21, upang muling itaguyod ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ang pagbisita, na bahagi rin ng pagdiriwang ng kaniyang ika-60 kaarawan sa Pebrero 24, ay layuning maghatid ng tulong at ipakita ang pakikiisa sa mga residente at frontliners sa Kalayaan Island Group (KIG).
Sa kaniyang pananatili sa isla, nagbigay ang senadora ng mga essential goods at medical services.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang mga mamamayan ng Pag-asa Island ay mahalagang bahagi ng bansa na hindi dapat pabayaan, at nananatiling “atin ang West Philippine Sea.”
Nakipagpulong din ang mambabatas kina Mayor Beltzasar Alindogan at Vice Mayor Maurice Albayda ng Munisipalidad ng Kalayaan.
Sa pagtatapos ng kaniyang bisita, muling pinagtibay ni Hontiveros ang kaniyang suporta sa mga lokal na lider at mga tagapagtanggol ng teritoryo ng Pilipinas sa WPS.










