Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang umano’y irregularidad sa rice importation na isinagawa sa pamamagitan ng government-controlled Planters Products, Inc. (PPI), na aniya ay maaaring ginamit bilang “palusot” sa ilalim ng umiiral na patakaran sa pag-aangkat ng bigas.

Sa kanyang Proposed Senate Resolution No. 392, kinuwestiyon ng senador kung paano umano nakapag-import ang PPI ng halos P2 bilyong halaga ng bigas gayong mababa lamang ang kita nito noong 2024.

Ayon kay Marcos, lumilitaw na ginagamit umano ang PPI bilang daan para sa malawakang importasyon ng bigas, na posibleng labag sa Rice Tariffication Law.

Batay sa mga ulat na kanyang binanggit, milyon-milyong sako ng imported rice mula sa iba’t ibang bansa ang naipasok at may karagdagan pang inaasahang darating.

Kinuwestiyon din ng senador ang kawalan ng public bidding sa mga transaksyon at ang posibleng epekto nito sa lokal na mga magsasaka, lalo na sa presyo ng palay.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ni Marcos, dapat tiyakin na ang Department of Agriculture ay nakatuon sa pagsuporta sa lokal na produksyon at hindi sa pagpapalawak ng importasyon ng bigas.