Umapela si Senadora Imee Marcos sa SSS, GSIS, PAG-IBIG at Philhealth na pansamantala munang suspendihin ang kanilang pagkaltas sa sahod ng mga mamamayang Pilipino.

Ayon kay Marcos, mahalagang magawa ito bilang ramdam na ramdam na ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante ang epekto ng krisis sa enerhiya, mula pamasahe hanggang sa presyo ng pagkain.

Dagdag pa niya, bilang hirap na hirap na ang bawat isa sa krisis ng gasolina at krudo ay nararapat lang bigyan ng kahit isang buwan o higit pang palugit sa pagbayad ng kanilang obligasyon ang mga ito.

Ayon pa sa senadora, hindi na muna dapat kaltasan ang sahod para kahit papaano ay makasabay ang bawat isa sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Samantala, iginiit naman din ni Marcos na nagawa na ang kaparehong hakbang na ito noong panahon ng pandemya at sa mga nakaraan pang kalamidad, kung saan nakatulong ito sa pagbangon ng bawat sektor.

-- ADVERTISEMENT --