Nilinaw ni Senator Imee Marcos na wala umano siyang ideya kung kabilang pa siya sa senatorial bets ng Alyansa ng Bagong Pilipinas.

Sa panayam ng media kay Sen. Imee, sinabi niyang wala umano siyang alam sa totoong estado niya sa Alyansa dahil hindi umano sila nagkakausap ng kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at may iba rin umano siyang pinagkakaabalahan.

Matatandaang naunang hindi banggitin ni PBBM ang pangalan ni Sen. Imee sa pangangampanya nila sa Cavite noong Marso 21, matapos pangunahan ng senadora ang imbestigasyon ng senado sa umano’y ilegal na pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Duterte.

Depensa pa ng senadora, nananatili pa rin umano siyang independent candidate sa kabila nang pagsama niya sa mga naging kampanya ng Alyansa noon.

Iginiit din niya na wala raw kinalaman sa pulitika ang pagkakasa niya ng hearing para kay dating Pangulong Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si PBBM, hinggil sa estado ng samahan nila ni Sen. Imee.