
Umapela si Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan upang muling ikonsidera ang naunang pagtanggi sa kaniyang hiling na makapagpiyansa sa kinahaharap nitong kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P573 milyong iregularidad sa flood control projects.
Sa kaniyang mosyon, iginiit ni Estrada na hindi siya flight risk at dapat umanong pairalin sa kaniyang kaso ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagpahintulot noon kay dating Senador Juan Ponce Enrile na makapagpiyansa batay sa humanitarian grounds at sa kawalan ng panganib na siya ay tumakas.
Ayon kay Estrada, katulad ni Enrile ay wala rin siyang intensiyong umiwas sa proseso ng batas. Aniya, agad siyang sumuko sa mga awtoridad nang mailabas ang warrant of arrest laban sa kaniya at ilang ulit na rin siyang pinayagang bumiyahe sa ibang bansa ng Sandiganbayan habang may mga nakabinbing kaso.
Binigyang-diin din ng senador na nanunungkulan pa siya hanggang Hunyo 2028 at halos apat na dekada na siyang nagsisilbi sa pamahalaan.
Dahil dito, hiniling ni Estrada sa Sandiganbayan na baligtarin ang naging desisyon nito noong Hulyo 24, 2026 at payagan siyang makapagpiyansa habang dinidinig ang kaniyang kaso.










