Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Senate Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson at Senator Rodante Marcoleta, ilang minuto matapos na magbukas ang ikalimang pagdinig sa mga anomalya sa flood control projects ngayong araw.

Ito ay matapos na kuwestionin ni Marcoleta ang integridad ng imbestigasyon at ni Lacson, na sinasabing pinili si Brice Hernandez na mas kuwalipikado na maging state witness kaysa sa mga contractor na Curlee at Sarah Discaya.

Matapos na buksan ni Lacson ang pagdinig, iginiit ni Marcolate na bigyan siya ng pagkakataon na magsalita para sa isang “prejudicial question.”

Subalit ilang beses na tumanggi si Lacson na kilalanin si Marcoleta, hanggang sa pinayagan din na magsalita.

Binigyang-diin ni Marcoleta na sa kanyang pakiwari walang integridad, impartiality, at objectivity ang imbestigasyon ng blue ribbon committee dahil sa mga pahayag ni Lacson sa isang panayam ng media.

-- ADVERTISEMENT --

Sa nasabing panayam, tinanong si Lacson kung sino ang mas kuwalipikado na maging state witness sa pagitan ng tinanggal na DPWH engineer Brice Hernandez at mag-asawang Discaya sa eskandalo sa flood control projects, kung saan pinili ni Lacson si Hernandez.

Iginiit ni Marcoleta na hindi kailangang ibalik ng mga Discaya ang mga nakuha nilang pera para maging state witness.

Kasabay nito, sinabi ni Marcoleta na iwasan ang magbigay ng opinyon sa nasabing usapin.

Bago naman suspindihin ang pagdinig, sinabi ni Lacson na: “Away kaagad tayo dito.”

Ipinagtanggol ni Lacson ang kanyang sarili sa mga akusasyon ni Marcoleta ng impartiality at binigyang-diin na hindi maaaring kuwestionin ang kanyang mga opinyon sa labas ng Senado.

Tanong ni Lacson kay Marcoleta, “Are you trying to steal the show this morning? Are you creating trouble to prevent the proceedings?”

Discayas must return ‘stolen’ money first before qualifying as state witnesses: DOJ
“Why are you so protective of the Discayas?”

Sagot naman ni Marcoleta: “I am not protecting them.”

Kasunod nito, pinutol na ni Lacson si Marcoleta at muling binuksan ang pagdinig at binigyan ng pagkakataon si dating DPWH district engineer Henry Alcantara para sa kanyang opening statement.

Matatandaan na unang ipinanukala ni Marcoleta, dating chair ng Blue Ribbon Committee na ilagay sa witness protection ang mag-asawang Discaya.

Sinabi naman ng Department of Justice na kailangan munang ibalik ng Discayas ang anomang ill-gotten wealth na kanilang nakuha mula sa mga proyekto ng pamahalan bago sila mabigyan ng proteksion.