
Dinipensahan ni Senator Ping Lacson ang Senate Blue Ribbon Committee laban sa paulit-ulit na pagbatikos at patutsada ni Senator Rodante Marcoleta.
Sa privilege speech ni Lacson sa plenaryo, sinabi niyang si Marcoleta ang tunay na bida sa kaniya mga magiging pahayag dahil mahilig naman ito sa pagbibida sa maraming usapin.
Sinabi ni Lacson na gusto man niyang palampasin tulad sa mga nakaraan ang mga ego-driven at personal na mga pag-atake sakaniya ni Marcoleta, pero kailangan na niyang tapusin ang political circus na ito.
Masyado na rin aniyang obsessed si Marcoleta sa paninira sa kaniya at sa pagdepensa rin nito sa China.
Naniniwala si Lacson na posibleng nagsimula ang pagtatanim ng galit sa kaniya ni Marcoleta noong sabihin niya na hilaw ang interpretasyon ng senador sa senate impeachment rules.
Matatandaang sa privilege speech ni Marcoleta kahapon ay binanatan nito ang hindi pagpapatawag sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga pangalang isinasangkot sa maanomalyang flood control projects tulad ni dating Speaker Martin Romualdez at ang mistulang pagsasantabi at pagdududa sa 18 mga dating sundalo na umano’y mga naging tauhan ni dating Cong. Zaldy Co.










