
Bukas umano si Senator Robin Padilla na tumakbo bilang bise presidente sa 2028 bilang running mate ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Padilla na ito ay kung hihilingin mismo ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kanya, ang nakatatandang Duterte ang nagkumbinsi sa kanya na pumasok sa pulitika at kumandidato bilang senador noong 2022.
Siya ang nakakuha ng pinakamalaking boto na mahigit 26 million sa 12 elected senators.
Sinabi ni Padilla na kung si Duterte ang magsasabi sa kanya na tatakbo siya bilang bise presidente, ay susunod siya, dahil alam umano ng lahat na ayaw talaga niya ang pulitika.
Matatandaan na sinabi ng kanyang asawa na si actress Mariel Rodriguez na hindi na tatakbo sa anomang posisyon ang kanyang asawa sa 2028.
Sinabi ni Rodriguez na hindi deserve ng publiko ang kanyang asawa, na hindi itinago ang kanyang saloobin sa mga tao na hindi umano kinilala ang katapatan ng kanyang asawa na magsilbi sa bansa.










