
Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang legalidad ng planong pagbuo ng isang subcommittee na magpapatuloy sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects.
Ang pahayag ni Sotto ay kasunod ng anunsyo ni Senate President Alan Peter Cayetano na pangungunahan ni Senator Rodante Marcoleta ang isang subcommittee sa ilalim ng Senate Blue Ribbon Committee upang ituloy ang pagdinig sa isyu.
Ayon kay Sotto, hindi malinaw kung paano mabubuo ang naturang subcommittee nang walang pag-apruba ng plenaryo.
Kinuwestiyon din niya kung bakit si Marcoleta, na vice chairperson lamang ng komite, ang maglalabas ng mga abiso para sa mga pagdinig gayong hindi pa umano pormal na naisasayos ang komite.
Samantala, iginiit ni Marcoleta na may mga sektor umanong nais hadlangan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon dahil sa pangamba sa mga posibleng lumabas na impormasyon.
Tiniyak naman ni Cayetano na magiging patas ang mga pagdinig at layunin nitong mabuo ang buong katotohanan kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.
Matatandaang isinuspinde noong Abril ang mga pagdinig sa isyu matapos mabigong makakuha ng sapat na bilang ng lagda ang partial committee report upang maaprubahan ng Senado.










