
Kinuwestyon sa Senado ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos lumabas ang ulat na isang person deprived of liberty (PDL) ang naging milyonaryo matapos ang 14 na taon sa kulungan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, tinanong ni Senador Raffy Tulfo ang kakulangan sa monitoring ng BJMP, lalo na sa umano’y pagpapatakbo ng negosyo sa loob ng kulungan.
Ayon kay Tulfo, may lumapit sa kanya na dating PDL na nagsabing nakapagnegosyo ito ng pagbebenta ng electronic telephone cards, na maaaring nagamit sa hindi awtorisadong komunikasyon, kabilang ang posibleng pagpapatuloy ng ilegal na gawain sa labas.
Inamin naman ni BJMP Deputy Chief for Administration of the Jail Bureau Dennis Rocamora na may ganitong mga insidente at sinabing pananagutan ng jail warden ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran.
Aniya, lumalabas na nagkulang ang warden sa naturang kaso.
Sa ilalim ng patakaran, hindi pinapayagan ang mga PDL na magnegosyo maliban kung may nakasulat na pahintulot mula sa mga awtoridad.
Iminungkahi ni Tulfo ang digitalization ng sistema ng pera sa loob ng kulungan upang masubaybayan ang galaw ng pera, gayundin ang mas mahigpit na pagbabantay sa paggamit ng telepono.
Nilinaw naman ng BJMP na bagamat may limitasyon sa mga maaaring kontakin ng PDL, may mga pagkakataong nakakapuslit ng cellphone sa loob ng kulungan nang hindi nalalaman ng mga bantay.









