Pormal nang nag-convene ang Senado ngayong Lunes bilang impeachment court para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.

Suot ang kanilang maroon robes, nanumpa ang mga senador bilang senator-judges ilang araw matapos matanggap mula sa House of Representatives ang Articles of Impeachment.

Kapansin-pansin namang hindi dumalo sa proceedings si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ang pagliban ni Dela Rosa ay kasunod ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng anti-drug campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.