Iginiit ng abogado ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim na may umano’y conflict of interest si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago Matibag sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyon ni Rodulfo M. Gracioso Jr. laban sa pangalawang pangulo.

Ayon kay Lim, lumabas umano sa mga dokumentong isinumite sa impeachment case na dati nang nagsulat ng mga kritikal na opinyon laban sa Bise Presidente si Director Matibag, kaya’t aniya ay may malinaw na pagkiling sa pulitika.

Kinuwestiyon din ng abogado ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon ng NBI Director sa publiko tungkol sa umano’y progreso ng isang aktibong imbestigasyon. Aniya, mistulang nagpapakita ito ng suporta sa nag-akusa at nagpapahiwatig ng pananagutan ng bise presidente at ng kanyang pamilya habang nagpapatuloy ang impeachment trial.

Gayunman, sinabi ni Lim na nananatili ang kanilang tiwala sa buong hanay ng NBI at umaasa silang mananatiling propesyonal, walang kinikilingan, at hindi magagamit ang ahensya para sa layuning pampulitika.