Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Senador Lito Lapid para sa kanyang ika-apat na termino sa Senado sa isang simple ngunit makabuluhang seremonya na ginanap sa Porac, Pampanga noong Mayo 25, 2025.

Pinangunahan ng kanyang kapatid na si Kapitan Arturo M. Lapid, Punong Barangay ng Poblacion, ang panunumpa.

Kasama rin ng senador ang kanyang pamilya sa nasabing okasyon bilang pagsaksi sa kanyang panibagong yugto ng paglilingkod.

Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Lapid sa mahigit 13 milyong Pilipinong muling nagtiwala at nagbigay ng mandato sa kanya.

Tiniyak niyang ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga makabuluhang batas na para sa kapakanan ng mga mahihirap.

-- ADVERTISEMENT --

Isa sa mga batas na kanyang itinataguyod ay ang Republic Act No. 9999 o “Lapid Law,” na nagbibigay ng libreng legal na tulong sa mga kapus-palad.

Aniya, mananatili siyang tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin at maninindigan para sa mga sektor na nangangailangan ng boses sa Senado.