Pinaalalahanan ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero ang defense panel na ipaalala kay Vice President Sara Duterte ang kanyang inilabas na ruling tungkol sa sub judice, na saklaw din umano ang bise presidente.

Sinabi ito ni Escudero matapos ilahad ni House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro sa impeachment court ang pahayag ni Duterte na kumondena sa name-calling na nangyari sa kanyang impeachment trial.

Ayon kay Duterte, dapat mapatunayan sa pamamagitan ng ebidensya ang mga alegasyon laban sa kanya at hindi sa pamamagitan ng insulto, haka-haka o political theatrics.

Sinabi ni Escudero na dahil inilabas ni Duterte ang kanyang pahayag habang ginagawa pa niya ang ruling, ipatutupad dito ang prinsipyo ng prospectivity, o ang pag-iral ng kautusan sa mga pahayag na ginawa matapos itong ilabas.

Pinaalalahanan ni Escudero, sa pamamagitan ng lead counsel ng depensa, si Duterte na sundin ang ruling ng presiding officer at ang mga panuntunan ng impeachment court, partikular ang Rule 18 na nagbabawal sa paggawa ng mga pampublikong pahayag tungkol sa merito ng nakabinbing impeachment case.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Escudero, mula sa oras na ipatupad ang ruling, maaaring magsagawa ng kaukulang aksyon ang impeachment court laban sa sinumang lalabag dito.

Maaari rin umanong magkaroon ng karagdagang aksyon dahil si Duterte ay isa ring abogado.

Samantala, tinanggap at itinala naman ni defense lead counsel Sheila Sison ang direktiba ni Escudero.