Humingi si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng updated report sa paggamit ng 2026 national budget habang sinisimulan ng Senado ang pagsusuri sa panukalang ₱7.2-trilyong budget para sa 2027.

Sa liham kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, hiniling ni Cayetano ang detalye kung magkano na ang nagastos sa 2026 budget, saan napunta ang pondo, at magkano na ang hiniram ng pamahalaan.

Hiningi rin niya ang impormasyon kung nakarating na sa mga benepisyaryo ang pondo sa ilalim ng UPLIFT, gayundin ang kabuuang utang ng bansa hanggang Hulyo 31, 2026, at mga loan at bond na kinuha o ginagarantiyahan ng gobyerno sa nakalipas na tatlong taon.

Kasama rin sa hinihingi ni Cayetano ang listahan ng mga pondong nailipat, na-realign o nadagdag sa ibang programa mula Hulyo 2023, upang matiyak umano ang transparency at wastong paggamit ng pondo bago ang pagdinig sa 2027 national budget.

-- ADVERTISEMENT --