
Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian ang seguridad ni Senador Risa Hontiveros matapos makatanggap ng mga online death threat at mapanirang komento laban sa mambabatas.
Ayon kay Gatchalian, nakikipag-ugnayan na ang Senado sa mga intelligence agency upang matukoy ang pinagmulan ng mga banta at matiyak ang sapat na seguridad ni Hontiveros. Tiniyak din niya sa publiko na magiging ligtas at maayos ang ikalimang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.
Nagpasalamat naman si Hontiveros kay Gatchalian sa pamamagitan ng kanyang mensahe sa X. Nauna nang sinabi ng senadora na nagsimula ang sunod-sunod na online threats matapos ang pamamaril at pagkamatay ng vlogger na si Mima Alicia sa labas ng kanyang tahanan sa Caloocan City noong Hulyo 17.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na handa na ang Senado para sa SONA at inaasahan niyang tatalakayin ng Pangulo ang mga plano ng pamahalaan para sa ekonomiya at mga repormang ipinatupad upang hindi na maulit ang mga isyu sa flood control projects. Naniniwala rin siyang hindi tatalakayin ni Pangulong Marcos ang impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte dahil ito ay nasa hurisdiksyon ng Senado.










