Pinuri ni Senador JV Ejercito ang pangako ng Iran na magbibigay ng ligtas na pagdaan para sa mga barkong may bandilang Pilipino at mga seafarer sa Strait of Hormuz. Umaasa ang senador na ito ay matutupad at magpapatuloy.

Ayon kay Ejercito, malaking tulong ang nasabing kasunduan lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East. Aniya, makakatulong ito sa pagtiyak ng suplay ng langis sa bansa.

Ang pangakong ito ay ibinigay umano ng Iranian Foreign Minister kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, na nagsabing magkakaroon ng maayos at mabilis na pagdaan ang mga barko at Filipino seafarers sa naturang lugar.

Dagdag pa ng senador, mahalaga ito dahil umaasa ang Pilipinas sa inaangkat na langis mula sa Middle East, kaya apektado ang ekonomiya sa anumang pagtaas ng presyo o kakulangan sa suplay. Maaari ring gamitin ng pamahalaan ang batas na nagpapahintulot sa pagbawas o pagsuspinde ng excise tax sa langis kapag patuloy ang pagtaas ng presyo.