Makulimlim pa rin ang panahon sa Extreme Northern Luzon dahil sa amihan at shearline, samantalang ang ITCZ naman ang nagpapaulan sa ilang bahagi ng Mindanao.
Mga localized thunderstorm naman ang posibleng magdulot ng saglit na pag-ulan sa nalalabing bahagi ng bansa.
Ang shearline o ang pagsasalubong ng malamig na hanging amihan at easterlies na kadalasang may nabubuong mga kaulapaan at pagulan ay umangat pa at nakakaapekto na lamang sa silangang bahagi ng Northern Luzon.
Halos maulap hanggang sa makulimlim pa rin ang papawirin na may mga pag-ulan at thunderstorm sa Cagayan, Isabela, Apayao, at Aurora.
Posible ring makaranas ng hanggang sa makulimlim na papawirin ang mga karatig na lugar.
Habang ang malamig na amihan ay humina pa at nakakaapekto na lamang sa extreme northern luzon. Halos maulap hanggang sa makulimlim pa rin ang papawirin na may mga mahihinang pag-ulan sa Batanes.
Ang Intertropical Convergence Zone naman o ang pagsasalubong ng hangin mula sa northern at southern hemisphere ay nakakaapekto sa Mindanao.
Halos maulap hanggang sa makulimlim pa rin ang papawirin na may mga pag-ulan at thunderstorm sa Caraga at Davao Region.
Posible ring makaranas ng hanggang sa makulimlim na papawirin ang mga karatig na lugar.
Pangkalahatang maayos ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa, ngunit may tiyansa pa rin ng mga localized thunderstorm, lalo na sa hapon at gabi.
𝗪𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗶𝗸𝗶𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗶𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗴𝘆𝗼 na posibleng direktang makaapekto sa bansa ngayong weekend.