Isang court sheriff na sinuntok umano noon ni Vice President Sara Duterte noong 2011 habang alkalde pa ng Davao City ang kabilang na testigo ng prosekusyon sa kanyang impeachment trial.

Sa kanilang pre-trial brief, sinabi ng prosekusyon na ihaharap si Sheriff Abe Andres upang patunayan umano ang “tendency” ng bise presidente na gumamit ng karahasan.

Ayon sa panel, mahalaga ang kanyang testimonya kaugnay sa ikaapat na artikulo ng impeachment na tumutukoy sa umano’y grave threats, incitement to sedition, at alegasyon ng pagkontrata ng pagpatay sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.

Bukod kay Andres, kabilang din sa listahan ng mga testigo ang ilang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at House Legislative Security Bureau.

Mayroon ding mga “reserve witnesses,” kabilang ang isang kamag-anak ng umano’y biktima ng pagbabanta at isang psychiatrist.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang nauna nang iniulat na noong 2011, nasangkot si Duterte sa insidente ng pananakit sa isang sheriff sa Davao City, na ngayon ay muling binabalikan sa impeachment proceedings.

Patuloy pang dinidinig ang kaso habang inaasahang magpapakita ng ebidensya ang magkabilang panig sa impeachment court.