
Lalong pinalakas ni Russian cyclist Nikita Shulchenko ang kanyang pangunguna sa 2026 MPTC Tour of Luzon matapos magwagi sa Stage 7 individual time trial na ginanap sa Pagudpud noong Martes.
Nagtala ang 26-anyos na rider ng LCW UAECycle ng oras na 30 minuto at 6 na segundo sa 22.9-kilometrong ruta, dahilan upang mapalawak pa ang kanyang lamang sa individual general classification sa kabuuang oras na 19:31:20.
Pumangalawa si Yousef Ibrahiem Alrefai, na umulit sa kanyang puwesto noong Stage 6, at nananatiling ikalawa sa overall standings na may agwat na +00:01:38 laban kay Shulchenko.
Pangatlo naman sa Stage 7 si Min Kyeong Ho ng Seoul Cycling Team, na siyang nagwagi sa nakaraang yugto.
Samantala, patuloy na nangunguna sa hanay ng mga Pilipino si Mervin Corpuz ng 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines Team, na nasa ikatlong puwesto sa overall standings kahit hindi nakapasok sa podium sa Stage 7.
Sa team general classification, nangunguna ang Go For Gold Philippines, Standard Insurance Philippines, at 7RP laban sa iba pang koponan.
Nakatakdang idaos ang Stage 8 sa isang 157.4 kilometrong ruta mula Pagudpud Town Hall patungong St. Augustine Church of Paoay.





